19/06/2026
HANDS OFF UPD USC COUNCILOR-ELECT ANGEL LOPEZ! HANDS OFF STUDENT LEADERS!
Mariing kinukundena ng KASAMA sa UP ang panghaharas, intimidasyon, at sapilitang interogasyon ng militar kay UP Diliman University Student Council Councilor-elect Angel Lopez nitong Hunyo 13 habang nakikipamuhay sa Nueva Vizcaya. Naroon siya, bilang isang inhinyero ng bayan, para isabuhay ang agham na tunay na nagsisilbi sa bayan.
Nakiisa si Angel sa mga komunidad na patuloy na lumalaban sa mga proyektong pagmimina sa Nueva Vizcaya, kabilang ang mga lugar na apektado ng operasyon ng Woggle Corporation sa Dupax del Norte at North Luzon Mineral Resources Corporation sa Kasibu. Sa halip na pakinggan ang lehitimong hinaing ng mamamayan tungkol sa pagkasira ng kalikasan at kabuhayan, pananakot at militarisasyon ang naging tugon ng estado.
Hindi hiwalay na insidente ang nangyari kay Angel. Bahagi ito ng mas malawak na padron ng red-tagging, paniniktik, at panghaharas laban sa mga estudyante, kabataan, at environmental defenders na nakikiisa sa laban ng mamamayan. Habang tumitindi ang mga paglabag sa karapatang pantao sa kanayunan, lalong nagiging lantad ang paggamit ng estado ng intimidasyon upang supilin ang mga kritiko at organisadong mamamayan.
Nananawagan ang KASAMA sa UP ng agarang pagpapatigil sa panghaharas at red-tagging laban kay Angel Lopez at sa lahat ng student leaders at environmental defenders. Hindi krimen ang makiisa sa mamamayan at ipagtanggol ang kalikasan. Patuloy kaming maninindigan para sa karapatang pantao, akademikong kalayaan, at tunay na paglilingkod sa bayan.
HUSTISYA PARA KAY ANGEL LOPEZ!
HANDS OFF STUDENT LEADERS!
HANDS OFF ENVIRONMENTAL DEFENDERS!