05/05/2026
PAHAYAG || Sa Reframed General Education Curriculum ng CHED
Ang agham panlipunan at humanidades ang konsensya at kaluluwa ng edukasyon. Sila ang humuhubog hindi lamang sa kaalaman kundi sa pagkatao, kamalayang panlipunan, at pananagutang sibiko ng mamamayan.
Sa ganitong diwa, mariing tinututulan ng Departamento ng Agham Panlipunan ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños ang lumabas na draft memorandum order ng Commission on Higher Education (CHED) hinggil sa tinatawag nitong Reframed General Education Curriculum, kung saan nakaamba na gawing 18 units o anim (6) na kurso na lamang ang minimum requirement ng General Education (GE) sa bansa . Kung maipatutupad, magpapatuloy ito sa matagal nang pagtapyas sa GE mula sa orihinal na 63 units sa ilalim ng CMO No. 59, s. 1996 patungong 36 units sa CMO No. 20, s. 2013 bilang bahagi ng K-12 program.
Lubhang nakababahala ang epektibong paglusaw sa kursong Readings in Philippine History at tangkang baguhin ang oryentasyon ng kursong The Life and Works of Jose Rizal tungo sa Rizal and Philippine Studies na lumalabag sa diwa at probisyon ng R. A. 1425. Ang mga kursong ito ay hindi lamang akademikong rekisito. Sila ay pundasyon ng pambansang kamalayan, kritikal na pag-iisip, at pagpapahalaga sa kasaysayan at identidad ng sambayanang Pilipino.
Dagdag pa rito, binibigyang-diin namin na sa gitna ng lumalalang krisis sa lusog-isip o mental health ng kabataang Pilipino, lalong kinakailangan ang mga kursong nakatuon sa pag-unawa ng sarili, kapwa, at lipunan. Ang mga kursong tulad ng Understanding the Self at iba pang kursong may tuon sa lusog-isip at kagalingang sikopanlipunan ay mahalaga sa paghubog ng mga mag-aaral na may kakayahang harapin ang mga hamon ng buhay na dulot ng magkakaugnay na personal, pampamilya, at istruktural na suliranin, kabilang ang kahirapan, krisis sa edukasyon, at malaganap na korapsyon. Sa perspektibo ng Sikolohiyang Pilipino, ang pagkilala sa kapwa, loob, at kagalingang sikopanlipunan ay mahalagang bahagi ng holistiko at nakagiginhawang edukasyon.
Sinasabing isang batayan ng planong ito ang ulat ng EDCOM II na bagama’t hindi malinaw ang espesipikong sanggunian ay maaaring tumutukoy sa pahayag na umaabot sa 42 porsyento o 50 units ang GE. Subalit, kung susuriin ang umiiral na Policies, Standards, and Guidelines ng iba’t ibang degree programs sa bansa, gayundin ang CMO No. 20, s. 2013, malinaw na ang GE ay inaasahang 24 hanggang 30 porsyento lamang ng kabuuang bilang ng units. Kung gayon, ang suliranin ay maaaring nasa interpretasyon o konteksto ng datos at hindi sa mismong balangkas ng GE. Hindi kinakailangan ang paglikha ng mga kursong halo-halo ang nilalaman. Higit na makatutulong ang maayos na regulasyon at pagsubaybay sa pagdaragdag ng mga kurso lampas sa itinakdang minimum.
Ang planong pagbabagong ito ng CHED, sa pakikipagsabwatan sa mga burukrata sa mga nangungunang pamantasan sa bansa, lalo na kung isusulong nang walang malawak at makabuluhang konsultasyon, ay magdudulot ng pagnipis ng pag-unawa ng mga mag-aaral sa kasaysayan, lipunan, at kanilang sariling pagkatao. Ang mga mag-aaral na salat sa ganitong kaalaman ay mas nagiging marupok sa panlilinlang at manipulasyon, at mas madaling naipasasailalim sa hindi makatarungan at mapagsamantalang kalagayan sa paggawa. Sa halip na maglinang ng mapanuri, makabayan, at makataong mamamayan, may panganib na ang edukasyon ay mauwi sa pagsasanay ng murang lakas ng paggawa na nagkukulang sa pag-unawa sa kontekstong panlipunan at historikal ng bansa.
Sa harap nito, naninindigan ang Departamento ng Agham Panlipunan ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños laban sa panibagong tangkang pagpapahina ng GE. Nananawagan kami sa mga g**o, mananaliksik, mag-aaral, at iba pang sektor ng lipunan na magbuklod at ipagtanggol ang isang edukasyong makabayan, makatao, at mapagpalaya. Ito ay isang edukasyong kumikilala hindi lamang sa pagpapayabong ng isip o sa kakayahang makakuha ng trabaho kundi sa paglinang ng buong pagkatao ng kabataang Pilipino.
_____________________
Follow the UPLB Department of Social Sciences page or visit our official website (https://dss.cas.uplb.edu.ph) for more updates