12/06/2026
𝗢𝗣𝗜𝗦𝗬𝗔𝗟 𝗡𝗔 𝗣𝗔𝗛𝗔𝗬𝗔𝗚 𝗡𝗚 𝗨𝗣 𝗖𝗘𝗟𝗟 𝗕𝗜𝗢𝗟𝗢𝗚𝗜𝗖𝗔𝗟 𝗦𝗢𝗖𝗜𝗘𝗧𝗬
𝗔𝗿𝗮𝘄 𝗻𝗴 𝗞𝗮𝗹𝗮𝘆𝗮𝗮𝗻 𝟮𝟬𝟮𝟲
Ngayong ika-12 ng Hunyo, ginugunita ang Araw ng Kalayaan bilang pagpupugay sa tapang at sakripisyo ng mga Pilipinong lumaban para sa pagpapalaya ng bansa mula sa kolonyal na paghahari. Subalit higit pa sa paggunita sa nakaraan, ang araw na ito ay paggunita sa nakaraan, ang araw na ito ay paalala na ang kalayaan ay hindi lamang idinedeklara– ito ay patuloy na ipinaglalaban.
Sa kabila ng mahigit isang siglong paglaya mula sa kolonyalismong Espanyol, nananatiling nakatali ang Pilipinas sa iba’t ibang anyo ng dayuhang dominasyon, pang-ekonomiyang pagdepende, at mga patakarang pumapabor sa interes ng iilan. Habang patuloy na tumataas ang presyo ng langis at mga batayang bilihin, nananatiling mababa ang sahod, laganap ang kontraktwalisayon, at lumalalim ang kahirapan sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, at iba pang marhinalisadong sektor.
Bilang mga estudyante at siyentista ng bayan, kinikilala namin na ang tunay na kalayaan ay hindi lamang kawalan ng dayuhang mananakop. Ang tunay na kalayaan ay ang pagkakaroon ng sapat na pagkain sa hapag, disenteng trabaho at sahod, abot-kayang edukasyon, makataong serbisyong pangkalusugan, at karapatang mamuhay nang may dignidad. Hindi malaya ang isang bayan kung milyon-milyong mamamayan ang patuloy na naghihirap at pinagkakaitan ng kanilag mga batayang karapatan.
Mariin din naming kinukundena ang patuloy na panunupil sa mga mamamayang nagsusulong ng pagbabago. Ang red-tagging, harassment, sapilitang pagkawala, iligal na pag-aresto, at iba pang paglabag sa karapatang pantao ay mga banta sa demokrasya at kalayaan na matagal nang ipinaglaban ng sambayanan. Ang pag-oorganisa, pagtindig, at pagpapahayag ng saloobin ay hindi krimen–ito ay bahagi ng demokratikong karapatan ng mamamayan.
Sa gitna ng lumalalang krisis sa ekonomiya, lumalawak na agwat ng mayaman at mahirap, at mga banta sa pambansang soberanya, nananawagan ang UP Cell Biological Society sa kabataan na maging mapanuri, makialam, at makiisa sa mga laban ng sambayanan. Ang paggunita sa Araw ng Kalayaan ay dapat magsilbing hamon upang ipagpatuloy ang adhikaing itaguyod ag isang lipupnang tunay na malaya, makatarungan, at makatao.
Ang diwa ng Hunyo 12 ay hindi natatapos sa mga seremonya at pagwawagayway ng watawat. Ito ay buhay sa bawat mamamayang tumitindig laban sa pang-aapi, lumalaban para sa karapatan, at kumikilos para sa kinabukasan ng bayan.
𝗠𝗮𝗯𝘂𝗵𝗮𝘆 𝗮𝗻𝗴 𝘀𝗮𝗺𝗯𝗮𝘆𝗮𝗻𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗶𝗹𝗶𝗽𝗶𝗻𝗼!
🎨: Maeve Cunanan