11/06/2026
OPISYAL NA PAHAYAG NG KONSEHONG MAG-AARAL NG KOLEHIYO NG AGSIKAPAN UKOL SA PANANAKOT NG MILITAR SA KABATAAN NG QUEZON
Mariing kinokondena ng Konseho ng Kolehiyo ng Agsikapan ang patuloy na pananakot at panghihimasok ng militar at mga intelligence unit sa hanay ng kabataan sa Quezon, partikular sa mga estudyante, lider-estudyante, kabataang aktibista, at mga mass leader.
Kabilang sa mga iniulat na anyo ng pananakot ang profiling, surveillance, pangangalap ng personal na impormasyon, intimidasyon, at iba pang mapanupil na hakbang na naglalayong hadlangan ang malayang paglahok ng kabataan sa mga usaping panlipunan. Ang mga gawaing ito ay hindi lamang tahasang paglabag sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan kundi direktang pag-atake rin sa kalayaan sa pagpapahayag, pag-oorganisa, at akademikong kalayaan.
Sa isang demokratikong lipunan, hindi dapat katakutan ang kabataang mulat, mapanuri, at aktibong nakikilahok sa mga usaping panlipunan. Ang kanilang kakayahang magtanong, magsuri, at manindigan ay hindi banta sa kaayusan kundi mahalagang sangkap ng isang lipunang may pananagutan. Ang paggamit ng demokratikong karapatan ay hindi kailanman dapat gawing batayan ng hinala, pagmamanman, o panunupil.
Subalit sa halip na kilalanin ang mahalagang papel ng kabataan sa paghubog ng lipunan, patuloy na pinipinta ang progresibong paninindigan bilang kahina-hinala, mapanganib, o kaugnay ng terorismo. Kapag ang pagiging mulat at kritikal ay agad na inuugnay sa mga baluktot na paniniwala, hindi na ito simpleng usapin ng seguridad. Isa na itong pagtatangkang hubugin ang pampublikong persepsyon sa pamamagitan ng takot upang gawing katanggap-tanggap ang pagsupil sa mga kritikal na tinig.
Batay sa mga ulat ng Rise for Education–SLSU, nagpapatuloy ang pangangalap ng personal na impormasyon sa mga kabataang nagsusulong ng demokratikong karapatan. Kasabay nito ang paglaganap ng mga mensaheng nagmumula sa mga troll account at ang pagsasagawa ng mga tinatawag na “anti-insurgency seminars” sa mga komunidad na naglalaman ng mga diskursong nagrered-tag sa mga indibidwal at organisasyon. Sa halip na magbigay ng seguridad, ang mga ganitong gawain ay nagbubunga ng ng takot, pangamba, at pananahimik sa loob at labas ng mga pamantasan.
Malinaw ang aming paninindigan na ang mga mapanuri at kritikal na kabataan na may kakayanang unawain at suriin ang mga kondisyon ng kanilang lipunan ay dapat na mas linangin pa’t bigyang halaga sapagkat sila ang haharap sa reyalidad ng bukas. Walang institusyon, ahensya, o awtoridad ang may monopolyo sa katotohanan, at lalong walang sinuman ang may karapatang magtakda ng hangganan sa pag-iisip ng kabataan.
Bunsod nito, mariing ipinapanawagan ng Konseho ng Kolehiyo ng Agsikapan ang agarang pagwawakas sa lahat ng anyo ng surveillance, profiling, red-tagging, intimidasyon, at iba pang gawaing naglilimita sa malayang pagpapahayag, pag-oorganisa, at demokratikong pakikilahok ng mga estudyante. Dagdag pa rito, naninindigan kami para sa ganap na paggalang at proteksyon sa academic freedom sa loob at labas ng pamantasan. Ang unibersidad ay dapat manatiling ligtas na espasyo para sa malayang pagpapalitan ng ideya, kritikal na diskurso, at demokratikong pakikilahok—hindi isang lugar ng paniniktik, pagbabanta, at hinala.
Higit sa lahat, dapat ituon ng estado ang kanyang atensyon sa pagtugon sa tunay na ugat ng panlipunang sigalot: kahirapan, kawalan ng disenteng kabuhayan, kakulangan sa mga serbisyong panlipunan, at iba pang matagal nang suliraning kinahaharap ng mamamayan. Hindi kailanman malulutas ng militarisasyon at pananakot ang mga problemang ito. Ang tunay na kapayapaan ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng kontrol at pagpapatahimik, kundi sa pamamagitan ng katarungan, pananagutan, at makabuluhang pagbabago.
Sapagkat kapag mas pinipiling bantayan, i-profile, at patahimikin ang mga kabataan kaysa pakinggan at tugunan ang kanilang mga hinaing, hindi kapayapaan ang nalilikha kundi higit na takot. Kapag ang kritikal na pag-iisip ay itinuturing na banta, hindi seguridad ang pinagtitibay kundi isang kultura ng pangamba at pananahimik. Ang kabataang mulat at organisado ay hindi kaaway ng lipunan. Sa halip, sila ang isa sa pinakamahalagang puwersa sa pagtatanggol ng demokrasya, karapatang pantao, at panlipunang pagbabago.
Lagi’t lagi para sa estudyante!