21/10/2026
๐๐จ๐ฃ๐ ๐ฆ๐ ๐ ๐๐๐ฆ๐๐ฆ๐๐๐, ๐๐๐ก๐๐ ๐ฆ๐ ๐ฃ๐๐ซ ๐ฆ๐๐๐๐๐!
Pahayag ng Pagkakaisa ng UP Manila University Student Council, kasama ang mga konseho at organisasyon ng UP Manila para sa Buwan ng Magsasaka
Sa paggunita sa Buwan ng Magsasaka ngayong Oktubre, kaisa ang UP Manila University Student Council, kasama ang mga konseho, organisasyon, at sangkaestudyantehanl, sa uring magsasaka sa kanilang tuloy-tuloy na pakikibaka para sa lupa, kabuhayan, karapatan, at tunay na kalayaan. Isang matinding kabalintunaan na ang mga nagpapakain sa sambayanan ay siya ring pinagkakaitan ng lupang kanilang sinasaka, sapat na kita, at dignidad. Hindi simpleng bunga ng kahirapan ang kanilang kalagayan, kundi repleksiyon ng sistemang patuloy na nagtatanggol sa interes ng mga panginoong maylupa, malalaking korporasyon, at dayuhang kapangyarihan, partikular na sa imperyalistang US.
Sa kabila ng mga dekada ng mga batas at programang nangangakong magbibigay ng lupa sa mga magsasaka, nananatiling huwad ang mga patakarang ito. Patuloy ang konsentrasyon ng pagmamay-ari ng lupa, pangangamkam ng mga lupang agrikultural, at kawalan ng sapat na suporta sa produksyon. Habang tumataas ang presyo ng binhi, pataba, krudo, at iba pang pangangailangan sa pagsasaka, nananatiling mababa at hindi tiyak ang kita ng mga magsasaka. Ang kanilang ani ay madalas na naibebenta sa presyong hindi sapat upang mabawi ang kanilang puhunan, samantalang ang mga manggagawang bukid ay patuloy na pinagkakaitan ng makatarungang sahod. Sa halip na wakasan ang pagsasamantala, pinananatili ng umiiral na kaayusan ang paghihirap ng mga nagbubungkal ng lupa.
Lalong pinatitindi ang krisis sa kanayunan ng militarisasyon, mga pambobombang iniuugnay sa mga operasyong militar ng estado, at iba pang anyo ng karahasang nagdudulot ng takot, paglikas, at pagkagambala sa gawaing pansakahan. Kasabay nito, ginagamit ang mga mapaniil na batas, red-tagging, at pananakot upang supilin ang organisadong paglaban ng mga magsasaka at tagapagtanggol ng karapatang pantao. Sa halip na tugunan ang kawalan ng lupa at kahirapan, nalalagay sa panganib ang mga pamayanang ipinaglalaban ang kanilang kabuhayan. Hindi dapat ituring na kaaway ang mga mamamayang naninindigan para sa kanilang karapatan sa lupa at makatarungang pamumuhay.
Sa ganitong kalagayan, mariin nating tinututulan ang Pax Silica at iba pang mga proyektong ipinapasok sa ngalan ng kaunlaran, ngunit dapat suriin batay sa kanilang epekto sa soberanya, likas na yaman, at kabuhayan ng mamamayan. Ang Pax Silica ay isang inisyatibang pinangungunahan ng Estados Unidos na nakatuon sa seguridad ng suplay ng silicon at iba pang mahahalagang materyales na ginagamit sa mga estratehikong teknolohiya at industriyang may kaugnayan sa artificial intelligence. Sa halip na basta tanggapin ang mga pangakong hatid nito, dapat nating kuwestiyunin at maging kritikal sa kung sino ang tunay na makikinabang, kaninong interes ang pinaglilingkuran, at ano ang magiging kapalit para sa sambayanang Pilipino.
Sa harap ng planong pagbisita ni Donald Trump sa Pilipinas sa Nobyembre at ng mga ulat tungkol sa paglagda sa Pax Silica, malinaw ang ating paninindigan: tutulan at labanan ang Pax Silica at igiit na huwag pahintulutan ang pagbisita ni Trump sa ating bansa, na siya na namang sasamantala sa atrasadong lipunan ng ating bansa na sila rin ang may pakana. Tumindig at huwag payagan ang paglagda sa mga kasunduang may malawak na implikasyon sa ating ekonomiya, likas na yaman, at soberanya nang walang sapat na pampublikong impormasyon, tunay na konsultasyon, at demokratikong pagsusuri. Hindi pag-unlad ang pagpriyoritisa sa dayuhang interes.
Hindi dapat gawing pugad ng paligsahan sa gyerang agresyon ng mga makapangyarihang bansa ang Pilipinas habang isinasantabi ang pangangailangan ng ating mga magsasaka at mamamayan.Hindi tunay na kaunlaran ang mga proyektong pang-imprastraktura, teknolohiya, at seguridad kung kapalit nito ang pagkasira ng kalikasan, pangangamkam ng lupa, pagkawala ng kabuhayan, at pagkakait ng akses sa likas na yaman. Tuloy-tuloy ang laban sa pagpapabagsak ng mperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo na nagpapatibay sa pagsasamantala sa kanayunan at nagpapailalim sa pambansang ekonomiya sa interes ng dayuhang kapital.
Kaya ipinapanawagan ng mga iskolar ng bayanang isang tunay narepormang agraryo na magwawakas sa monopolyo sa lupa at magtitiyak sa mga magsasaka ng karapatan sa lupang kanilang sinasaka. Dapat itong samahan ng sapat na suporta sa produksyon, abot-kayang binhi at pataba, maayos na irigasyon, makatarungang presyo ng ani, sapat na sahod para sa mga manggagawang bukid, at mga serbisyong panlipunan sa kanayunan. Dapat ding pangalagaan ang mga lupang agrikultural at likas na yaman, habang tinitiyak ang makabuluhang partisipasyon ng mga apektadong komunidad sa mga proyektong humuhubog sa kanilang kinabukasan.
Bilang kabataan, tuloy-tuloy na palalimin ang pakikiisa sa uring magsasaka! Tumungo sa kanayunan, makipamuhay at pag-aralan ang kanilang materyal na kondusyon, at ugatin ang deka-dekadang paglaban para sa tunay na reporma sa lupa. Sapagkat hindi nalalayo ang karanasan ng mga magbubukid sa iba pang mga sektor ng lipunan parehas api at lugmok sa kahirapan.Sa Buwan ng Magsasaka, naninindigan tayo na ang laban ng mga magsasaka ay laban ng buong sambayanan. Hindi sapat ang pagkilala at pagpupugay kung walang kongkretong pagbabagong magwawakas sa kanilang pagsasamantala. Ang lupa ay para sa mga nagbubungkal nito, at ang yaman ng bayan ay dapat mapakinabangan ng mamamayan. Mula sa mga pamantasan hanggang sa kanayunan at mula sa mga silid-aralan hanggang sa mga lansangan, palakasin natin ang pagkakaisa ng mga mag-aaral at mamamayan upang ipaglaban ang tunay na kalayaan, soberanya, at katarungang panlipunan.
TUNAY NA REPORMA SA LUPA, IPAGLABAN!
LUPA SA MAGSASAKA, HINDI SA PAX SILICA!