01/06/2026
𝐀𝐧𝐠 𝐁𝐚𝐡𝐚𝐠𝐡𝐚𝐫𝐢𝐧𝐠 𝐊𝐮𝐥𝐚𝐧𝐠 𝐬𝐚 𝐊𝐢𝐧𝐚𝐧𝐠
Tuwing sumasapit ang buwan ng Hunyo, muling nababalot ng makukulay na watawat, pagdiriwang, at panawagan ng pagkakapantay-pantay ang iba’t ibang panig ng mundo. Para sa marami, ang bahaghari ay sumasagisag ng pag-asa, kalayaan, at pagtanggap. Isa itong larawan ng isang samahang patuloy na lumalaban upang makilala at igalang ang kanilang pagkatao. Gayunpaman, sa likod ng mga kulay na ito ay mga kuwentong hindi agad nakikita ng mata—mga kuwentong puno ng pangamba, pagtitimpi, at pakikibaka.
Bago naging sagisag ng pagmamalaki ang bahaghari, marami muna ang napilitang magtago sa likod ng katahimikan. Maraming kabataang parte ng LGBTQIA+ community ang lumaki sa mga tahanang hindi nila matiyak kung sila ba ay matatanggap. Marami ang natutong baguhin ang kanilang pagkilos, pananalita, at maging ang kanilang mga pangarap upang maiwasan ang pangungutya. Sa mga silid-aralan, tanggapan, at pamayanan, may mga taong piniling itago ang kanilang tunay na pagkatao dahil sa takot na husgahan, layuan, o itakwil.
𝑴𝒂𝒚 𝒎𝒈𝒂 𝒏𝒈𝒊𝒕𝒊𝒏𝒈 𝒏𝒂𝒃𝒖𝒐 𝒔𝒂 𝒈𝒊𝒕𝒏𝒂 𝒏𝒈 𝒑𝒂𝒏𝒈𝒂𝒎𝒃𝒂. 𝑴𝒂𝒚 𝒎𝒈𝒂 𝒌𝒂𝒕𝒂𝒉𝒊𝒎𝒊𝒌𝒂𝒏𝒈 𝒊𝒔𝒊𝒏𝒊𝒍𝒂𝒏𝒈 𝒎𝒖𝒍𝒂 𝒔𝒂 𝒕𝒂𝒌𝒐𝒕. 𝑨𝒕 𝒎𝒂𝒚 𝒎𝒈𝒂 𝒑𝒖𝒔𝒐𝒏𝒈 𝒏𝒂𝒕𝒖𝒕𝒐𝒏𝒈 𝒎𝒂𝒈𝒌𝒖𝒃𝒍𝒊 𝒖𝒑𝒂𝒏𝒈 𝒎𝒂𝒏𝒂𝒕𝒊𝒍𝒊𝒏𝒈 𝒍𝒊𝒈𝒕𝒂𝒔 𝒂𝒕 𝒑𝒂𝒚𝒂𝒑𝒂.
Sa kabila nito, pinili nilang magpatuloy. Pinili nilang mabuhay nang may tapang sa isang mundong hindi palaging handang tanggapin sila. Kaya ang 𝗣𝗿𝗶𝗱𝗲 𝗠𝗼𝗻𝘁𝗵 ay hindi lamang panahon ng pagdiriwang; ito rin ay panahon ng pagkilala sa mga taong nagtiis, lumaban, at nanatiling matatag upang ang susunod na salinlahi ay magkaroon ng mas malawak na espasyo para maging malaya.
Sapagkat sa bawat bahaghari ay may bahaging kulang sa kinang—ang mga kuwentong hindi naikwento, ang mga sakit na hindi naunawaan, at ang mga taong matagal na naghihintay na makita at marinig.
𝐌𝐠𝐚 𝐒𝐮𝐠𝐚𝐭 𝐬𝐚 𝐊𝐮𝐥𝐚𝐲
Madaling humanga sa bahaghari.
Ngunit mahirap tingnan ang mga sugat na nakatago sa likod nito.
Sa loob ng maraming taon, hindi lamang diskriminasyon ang hinarap ng mga kasapi ng LGBTQIA+ community. Marami ang nakaranas ng pambubugbog, pang-aabuso, pagtatakwil, at maging kamatayan dahil lamang sa kanilang pagkakakilanlan. Habang ang iba ay nakapagpatuloy sa buhay, mayroon ding mga pangalang naging bahagi ng isang masakit na kasaysayang hindi dapat kalimutan.
Isa sa kanila ay si JENNIFER LAUDE.
Noong 2014, natagpuan siyang wala nang buhay sa loob ng isang motel sa Olongapo. May mga bakas ng pananakit sa kaniyang katawan, at ayon sa mga ulat, nalunod siya matapos puwersahang isubsob ang kaniyang ulo sa inidoro. Ang kaniyang sinapit ay naging isa sa pinakakilalang kaso ng karahasang naranasan ng isang transgender na Pilipina.
Ngunit higit pa sa mga detalye ng kaso ang nananatili sa alaala ng marami. Nanatili ang tanong kung bakit kailangang may mamatay dahil lamang sa pagiging totoo sa sarili. Nanatili ang sakit ng isang pamilyang nawalan ng anak.
At mas masakit pa rito, may mga taong pinili pang sisihin pa si jennifer sa sarili niyang pagkamatay. May mga nagsabing kasalanan niya ang nangyari. May mga tumingin sa kaniyang pagkatao bilang sapat na dahilan upang maliitin ang kaniyang sinapit.
Ngunit walang pagkatao, kasarian, o identidad ang kailanman magiging dahilan upang kitilin ang isang buhay.
Hindi lamang si Jennifer ang may kuwento.
Noong mga nakaraang taon, patuloy na may mga ulat ng mga transgender at q***r na Pilipinong natatagpuang wala nang buhay, binubugbog, o pinahihirapan. Isa sa mga mas bagong pangalang umalingawngaw sa ilang bahagi ng komunidad ay si KIERRA APOSTOL, isang kabataang transgender na natagpuang walang buhay matapos maiulat na nawala. Ayon sa mga lumabas na impormasyon, may mga palatandaan umano ng pisikal na pananakit sa kaniyang katawan nang siya ay matagpuan.
At marahil, iyon ang pinakamasakit.
May mga pangalang nababanggit.
Ngunit mas marami ang hindi.
Mas marami ang nananatili lamang sa mga kandilang sinindihan ng pamilya.
Sa mga litratong tahimik na nakasabit sa dingding.
Sa mga naglahong pangarap ng isang muntik kulay na sinugatan.
𝑯𝒊𝒏𝒅𝒊 𝒍𝒂𝒎𝒂𝒏𝒈 𝒊𝒊𝒔𝒂𝒏𝒈 𝒖𝒓𝒊 𝒏𝒈 𝒕𝒂𝒐 𝒂𝒏𝒈 𝒏𝒊𝒚𝒖𝒚𝒖𝒓𝒂𝒌𝒂𝒏 𝒂𝒏𝒈 𝒑𝒂𝒈𝒌𝒂𝒕𝒂𝒐, 𝒔𝒊𝒍𝒂 𝒂𝒚 𝒎𝒈𝒂 𝒌𝒖𝒍𝒂𝒚 𝒏𝒂 𝒍𝒊𝒉𝒊𝒎 𝒏𝒂 𝒏𝒂𝒈𝒌𝒖𝒌𝒖𝒃𝒍𝒊 𝒔𝒂 𝒊𝒕𝒊𝒎 𝒏𝒂 𝒃𝒂𝒍𝒂𝒃𝒂𝒍 𝒏𝒈 𝒉𝒊𝒏𝒅𝒊 𝒑𝒂𝒈𝒌𝒂𝒌𝒂𝒑𝒂𝒏𝒕𝒂𝒚-𝒑𝒂𝒏𝒕𝒂𝒚.
Sa bawat kasong nababalita, marami pang kuwentong hindi nakararating sa mga pahayagan. Mga taong natutong mabuhay sa takot. Mga kabataang hindi makapagsabi kung sino ang totoong sarili. Mga pusong araw-araw na nangangambang baka ang pagiging totoo nila ang maging dahilan ng kanilang pagkawala.’
Ito ang mga sugat sa likod ng kulay. Ito ang mga sugat na hindi kayang takan ng anumang pagdiriwang.
𝐏𝐚𝐠𝐡𝐢𝐥𝐨𝐦 𝐬𝐚 𝐀𝐥𝐚𝐚𝐥𝐚
Ngunit sa kabila ng lahat ng sugat, may isang bagay na nananatili.
Ang pag-alala.
Sa mundong mabilis makalimot, ang pagbanggit sa kanilang mga pangalan ay isang uri ng paglaban.
Sa bawat pagbanggit kay Jennifer Laude, muling nabubuhay ang panawagang huwag hayaang maulit ang sinapit niya.
Sa bawat pag-alala kay Kierra Apostol at sa iba pang mga biktimang hindi gaanong nakilala, ipinapaalala nating may mga buhay na hindi dapat maging estadistika lamang. May mga taong hindi dapat maging lumang malita lamang. May mga pangalang hindi dapat ibaon ng panahon. Sapagkat may mga alaalang mas mabigat kaysa katahimikan. May mga pangalang tumatangging mabura. May mga sugat na patuloy na nagsaalita kahit wala na ang mga tinig na minsang nagdala nito.
Ang pag-alala ay hindi lamang para kina Jennifer, Kierra, at sa iba pang mga kulay na tinangay ng kasaysayan. Ito rin ay para sa mga pangalang hindi kailanman nakarating sa mga pahayagan. Para sa mga kabataang patuloy na hinahanap ang kanilang lugar sa mundo. Para sa mga anak na nangangarap na tanggapin sa kanilang mga magulang. Para sa mga mag-aaral na araw-araw na lumalaban sa pangungutya. Para sa mga manggagawang pinipiling manahimik sa takot na mawalan ng hanapbuhay. Para sa mga pusong nagmahal ngunit itinuring na mali. Para sa mga taong hanggang ngayon ay nagtatago upang manatiling ligtas.
Sa paggunita ng 𝗣𝗿𝗶𝗱𝗲 𝗠𝗼𝗻𝘁𝗵, kinikilala natin hindi lamang ang kanilang mga pakikibaka kundi maging ang kanilang katatagan. Kinikilala natin ang kanilang mga tagumpay, ang kanilang mga ambag sa lipunan, at ang kanilang patuloy na pagpapatunay na ang pagkatao ay hindi dapat ikahiya o ikubli. Sila ay mga anak, kapatid, kaibigan, manggagawa, at mga mamamayang may kaparehong karapatang mangarap, magmahal, at mabuhay nang malaya.
Sa bawat kulay ng bahaghari ay may buhay na dapat pahalagahan. Sa bawat buhay ay may kuwentong karapat-dapat pakinggan. At sa bawat kuwentong iyon ay may taong karapat-dapat mahalin, igalang, at kilalanin.
Kaya habang nagpapatuloy ang pagdiriwang, nawa’y hindi lamang natin ipagdiwang ang kanilang pag-iral kundi kilalanin din natin ang kanilang pagkatao. Nawa’y ang bahaghari ay hindi lamang manatiling sagisag ng pag-asa, kundi maging paalala na may mga taong matagal nang naghihintay na makita nang buo, marinig nang walang pag-aalinlangan, at tanggapin nang walang kondisyon. Sapagkat sa huli, ang tunay na diwa ng Pride ay hindi lamang tungkol sa pagiging malaya na maging sarili—ito ay tungkol sa pagtiyak na walang sinuman ang kailan mang mapipilitang mabuhay sa dilim upang maramdaman na siya ay kabilang.