04/09/2026
𝗥𝗘𝗔𝗗𝗘𝗥’𝗦 𝗖𝗛𝗢𝗜𝗖𝗘 | 𝘽𝙖𝙬𝙖𝙩 𝙋𝙖𝙩𝙖𝙠, 𝘽𝙖𝙠𝙞𝙩 𝙖𝙣𝙜 𝘽𝙞𝙜𝙖𝙩?
"Sig**o, kaya mabigat ang bawat patak, dahil hindi naman talaga tubig ang bumabagsak.
Kasama nitong bumabagsak ang pagod."
𝘐𝘴𝘪𝘯𝘶𝘭𝘢𝘵 𝘯𝘪 𝘑𝘓 𝘟𝘦𝘳𝘦𝘯𝘦 𝘓𝘶𝘤𝘢𝘴 | 𝘌𝘥𝘪𝘵𝘰𝘳-𝘪𝘯-𝘊𝘩𝘪𝘦𝘧
_____________________________
Hindi lang patak ng ulan ang bumabagsak sa aming bubong.
May mga patak na tila may bigat ng isang buong tahanan ang bumabagsak sa yero, sa kalsada, at sa mga balikat na matagal nang sanay magbuhat.
Unti-unting umaakyat ang tubig…
Una sa kalsada.
Sunod sa hagdan.
Hanggang sa hindi mo na alam kung saan nagtatapos ang baha at saan nagsisimula ang bahay.
“Baha na naman!”
Parang panibagong pagbati ng kapitbahay sa bawat pag-ulan.
Walang gulat.
Walang pagtataka.
Pagod lamang.
Para bang bahagi na ng panahon ang matutong mag-angat ng mga gamit, magsara ng pinto, at magdasal na sana ay huwag nang tumaas pa ang tubig.
Kakabangon lamang namin mula sa sunog.
Hindi pa man lubusang nawawala ang amoy ng usok sa mga dingding, kailangan na naman naming humarap sa panibagong sakuna.
Parang walang pahinga ang mahirap.
Kapag hindi puso ang mabigat, bulsa naman.
Kapag hindi bahay ang nawawala, kalusugan.
Kapag hindi gamit ang kailangang palitan, gamot.
Minsan, naiisip ko—Pasan ko ba ang mundo?
“Ako ata ang paboritong sundalo ni Lord.”
Dati, sinasabi ko ito na parang biro.
Ngayon, parang mantra na.
Isang paraan upang pagtawanan ang mga bagay na hindi ko kayang baguhin.
Dahil ano pa ba ang gagawin mo kapag paulit-ulit kang sinusubok ng buhay?
Tumawa ka na lang.
Kahit kaunti.
Baka sakaling hindi mo maramdaman ang bigat…
Pero may mga araw na hindi sapat ang pagtawa.
Lalo na kapag ang ulan ay bumabagsak kasabay ng suspensyon.
May mga estudyanteng masayang umuuwi kapag kanselado ang klase.
Ngunit may mga estudyanteng ang unang iniisip ay kung paano sila tatawid.
Kung gaano kalalim ang tubig.
Kung may masasakyan pa.
Kung ligtas bang lumusong.
At kung wala nang ibang paraan—Lumusong.
Sapatos sa kamay.
Pantalon na itinaas.
Bag sa balikat.
At isang tahimik na dasal sa dibdib.
Dahil ang paaralan ay maaaring magsuspinde ng klase, ngunit hindi nito kayang suspindihin ang pangangailangan mong makauwi.
At minsan, ang isang paglusong ay nagiging lagnat.
Ang isang lagnat ay nagiging gamutan.
Ang gamutan ay nagiging reseta.
At ang reseta ay nagiging isa na namang bagay na kailangang pag-isipan…
“Saan tayo kukuha ng pambayad?”
Sa ospital, walang libreng paghinga.
May presyo ang gamot.
May presyo ang pagsusuri.
May presyo ang bawat gabing hindi ka makakauwi.
At habang nakahiga ang katawan, nakatayo naman ang problema sa labas.
Naghihintay ang bayarin.
Naghihintay ang pamilya.
Naghihintay ang utang.
Kaya minsan, mas nakakatakot pa ang pagkakasakit kaysa baha.
Dahil ang baha, humuhupa.
Ang utang, hindi.
Tumatawag ka para humingi ng tulong.
Naghihintay…
Tumatawag muli.
Naghihintay…
Parang ang sagot ay laging nasa dulo ng isang linya na hindi naman sumasagot.
At habang naghihintay ka, patuloy ang ulan.
Patuloy ang lagnat.
Patuloy ang buhay.
Walang pause button ang kahirapan.
Walang hold music ang gutom.
Walang “sandali lang” ang pangangailangan.
Kaya sa bawat tulong na hinihingi, bakit tila kailangan mo munang patunayan na karapat-dapat kang tulungan?
ID.
Beripikasyon.
Dokumento.
Patunay.
Samantalang ang baha ay hindi kailanman nagtanong kung sino ka.
Hindi ito humingi ng pangalan bago pumasok sa bahay.
Hindi ito nagtanong kung may pambayad ka bago sirain ang gamit mo.
Hindi ito nagtanong kung mayaman ka bago ka lunurin.
At marahil iyon ang pinakamasakit…
Na ang kalamidad ay pantay-pantay kung manakit.
Ngunit sa kakayahang bumangon ay hindi.
May mga taong may bubong na matibay.
May mga taong may sasakyan.
May mga taong may ipon.
At may mga taong ang tanging panangga lang sa baha ay ang pag-asa…
Sana, sa pagkakataong ito, hindi na umabot sa loob ng bahay.
Minsan, naiisip ko ang mga salitang, “Nabuhay kang mahirap, mamamatay kang naghihirap.”
Napakasakit pakinggan…
Pero mas masakit kapag unti-unti mo itong nauunawaan.
Kapag ang batang lumulusong sa baha ay siya ring batang kailangang magtrabaho balang araw upang bayaran ang pang-ospital ng magulang.
Kapag ang estudyanteng lumiban dahil walang pamasahe ay siya ring estudyanteng nangangarap makatapos upang makaahon.
Kapag ang pamilyang nawalan ng bahay sa sunog ay siya ring pamilyang kailangang mangutang upang makapag simula muli.
At pagkatapos, uulan na naman.
Parang walang katapusan.
Parang may kamay na paulit-ulit na pinipisil ang sugat upang matiyak na hindi ito magsasara.
Kaya hindi ko na alam kung ulan ba talaga ang kinatatakutan ko.
Ang ulan? O ang katahimikan pagkatapos nito.
Dahil pagkatapos ng ulan, makikita mo ang lahat…
Ang putik sa sahig.
Ang basang mga gamit.
Ang mga sirang dingding.
Ang mga resibong hindi kayang bayaran.
Ang estudyanteng may sakit.
Ang magulang na nag-aalala.
Ang pamilyang muling magsisimula.
At ang taong nakatingin sa lahat ng ito, nagtatanong sa sarili kung “hanggang kailan?”.
Sig**o, kaya mabigat ang bawat patak, dahil hindi naman talaga tubig ang bumabagsak.
Kasama nitong bumabagsak ang pagod.
Ang takot.
Ang utang.
Ang mga pangarap na kailangan munang ipagpaliban.
Ang mga pangakong matagal nang hinihintay.
At ang pag-asang kahit minsan, sana naman, may sumalo.
Ngunit wala.
Kaya muli tayong mag-aangat ng gamit.
Muli tayong maghihintay.
Muli tayong lalangoy.
Muli tayong babangon.
At kapag natuyo na ang kalsada, maghihintay na naman tayo sa susunod na ulan.
Dahil sa mundong ito, tila ang mahirap ay kailangang matutong mabuhay sa gitna ng baha.
Hindi dahil sanay siya.
Kundi dahil wala siyang ibang pagpipilian.
At kapag muling bumagsak ang ulan—muli kong sasabihin:
“Ako ata ang paboritong sundalo ni Lord.”
Hindi na para magbiro.
Kundi para kahit papaano, maniwala pa rin ako na may dahilan kung bakit kailangan kong magpatuloy.
Dahil sa bawat patak, may bigat.
At sa bawat bigat, may buhay na pilit pa ring umaahon.
_____________________________
Disclaimer: The following Literary work is published to promote creative expression and intellectual engagement. The views, opinions, and interpretations presented herein are solely those of the author and do not necessarily reflect the official position or policies of Arellano University The Standard – Jose Abad Santos Campus, or its administration.
𝘗𝘢𝘨𝘭𝘢𝘭𝘢𝘳𝘢𝘸𝘢𝘯 𝘯𝘪 𝘕𝘰𝘭𝘢𝘯𝘯𝘦 𝘕𝘪𝘤𝘰𝘭𝘦 𝘔. 𝘍𝘭𝘰𝘳𝘰𝘳𝘪𝘵𝘢 | 𝘊𝘢𝘳𝘵𝘰𝘰𝘯𝘪𝘴𝘵