20/10/2026
𝗢𝗣𝗜𝗡𝗬𝗢𝗡 | 𝗦𝗮 𝗹𝗶𝗸𝗼𝗱 𝗻𝗴 𝗔𝗜, 𝗵𝗮𝗺𝗼𝗻 𝘀𝗮 𝗸𝗮𝗹𝗶𝗸𝗮𝘀𝗮𝗻
Sa mabilis na pag-ikot ng makabagong lipunan, hindi maikakaila ang malaking tulong ng Artificial Intelligence (AI) sa iba’t ibang gawain. Sa ilang segundo, nakapagbibigay ito ng sagot, nakatutulong sa trabaho, at nagpapadali ng mga gawaing dati’y nangangailangan ng mas mahabang oras. Ngunit sa likod nito, isang mahalagang tanong ang dapat ding pagtuunan ng pansin: Ano ang kapalit ng pag-unlad na ito para sa ating kapaligiran?
Sa kabila ng kaginhawaang hatid ng AI, may kaakibat itong pananagutan sa kapaligiran. Para sa marami, nakatutulong ang AI upang makatipid ng oras at mapadali ang iba’t ibang gawain. Gayunpaman, ang kaginhawaang ito ay may kabayaran. Habang patuloy na lumalawak ang pag-unlad ng AI, lumalaki rin ang mga pinangangambahan ng mga Pilipino ukol dito. Umani ng batikos at protesta mula sa mga environmentalist, magsasaka, katutubong grupo, at iba pang kritiko ang planong Pax Silica Project sa bansa. Pinangungunahan ng Estados Unidos ang inisyatibang ito mula Disyembre 2025, na naglalayong palakasin ang kooperasyon sa supply chain ng mga makabagong teknolohiya. Kabilang sa mga planong pasilidad ang Economic Security Zone sa New Clark City, Tarlac, na maaaring paglagyan ng mga semiconductor facility.
Sisipa ang konsumo sa tubig at kuryente dahil sa mga industrial hub. Gumagamit ng libo-libong litro ng tubig ang ilang computer servers upang mapigilan ang overheating ng mga makina. Ang semiconductor manufacturing naman ay nangangailangan ng Ultra-Pure Water (UPW) para sa paglilinis ng silicon wafers at microchips. Isang malaking pangamba para sa mga naninirahan malapit sa data centers ang posibleng kakulangan o pagbabago sa kalidad ng suplay ng tubig. Sa katunayan, sa isang pagdinig ng House Committee on Energy and Commerce, ipinakita ni U.S. Representative Alexandria Ocasio-Cortez ang dalawang garapon ng maruming tubig mula sa Morgan County, Georgia, na malapit sa isang data center. Ang mga data center ay naglalaman ng mga advanced na server para patakbuhin ang Artificial Intelligence (AI) systems. Ang mga high-performance server na ito ay nangangailangan ng tuloy-tuloy na suplay ng kuryente upang makapagproseso ng malalaking datos sa loob ng 24 oras.
Hindi lang sa kalikasan ito'y may kabayaran, kundi sa sariling kalusugan din natin. Ang paggawa ng mga semiconductor at microchip ay nangangailangan ng iba’t ibang kemikal para sa paglilinis at pagproseso ng silicon wafers. Ang prosesong ito ay maaaring makalikha ng wastewater na naglalaman ng acids, heavy metals, at iba pang toxic chemicals na, kapag hindi maayos na napamahalaan, ay maaaring makontamina ang mga ilog at iba pang pinagkukunan ng tubig sa Central Luzon. Mabilis ding nagiging obsolete ang ilang AI chips at computer hardware dahil sa patuloy na pag-unlad ng teknolohiya. Ang mabilis na pagpapalit ng mga lumang kagamitan ay maaaring magresulta sa toneladang e-waste na naglalaman ng mga mapanganib na materyales tulad ng lead, mercury, at cadmium na mahirap i-recycle.
Hindi maikakaila ang positibong dulot ng pag-unlad ng teknolohiya, kabilang ang posibilidad ng pagpasok ng bilyun-bilyong dolyar sa ekonomiya at paglikha ng tinatayang 200,000 trabaho para sa mga Pilipino. Gayunpaman, kasabay ng mga benepisyong ito ay dapat isaalang-alang ang kapakanan ng mga magsasaka at katutubo na maaaring maapektuhan ng pagtatayo ng mga pasilidad. Hindi dapat maging kapalit ng pag-unlad ng teknolohiya ang tahanan, kabuhayan, at karapatan ng mga komunidad.
Sa kabila ng maraming protesta laban sa plano, itutuloy pa rin ng bansa ang pagpapatayo ng Pax Silica Project sa New Clark, Tarlac City sa Nobyembre 2026. Dapat tiyaking ang pag-unlad ay napapakinabangan nang hindi isinasakripisyo ang kapakanan ng mga taong maaapektuhan nito.
MGA SANGGUNIAN :
Remate Online. “Aeta community nangangamba sa Pax Silica hub; ancestral land, kabuhayan posibleng maapektuhan.” September 21, 2026.
Villanueva, Joan. “Pax Silica AI hub to start development in 3-5 years.” Philippine News Agency, August 7, 2026
Lorenzana, Lito Monico C. “Pax Silica: They get the chips, we get the bill?” The Manila Times, September 23, 2026.
GMA News. “EXPLAINER: Where will Pax Silica get its water?” GMA News Online, August 14, 2026.
Atlanta Journal-Constitution. “AOC presses EPA over brown water from wells near Georgia data center site.” May 26, 2026.
DWNE Teleradyo. “PAX SILICA HUB, MANGANGAILANGAN NG 5,000 MEGAWATTS NA KURYENTE.” Facebook, July 24, 2026.
🖋️: Merielle Joyce Boletin
🎨: Jackie Marie Lougee Yamat