07/09/2026
HANDS OFF UP DILIMAN PUBLICATIONS! DEFEND CAMPUS PRESS FREEDOM!
Nakikiisa ang UP Diliman University Student Council (UPD USC) at ang League of College Councils (LCC) sa panawagan ng UP Solidaridad at mga publikasyon ng UP Diliman sa paggiit ng kanilang batayang karapatan sa malayang pamamahayag.
Isang tuwirang pagyurak sa karapatan ng mga publikasyon ang anumang pagtatangkang manghimasok sa kanilang kalayaan sa pamamahayag, sapagkat tungkulin nilang maghatid ng kritikal at pampublikong impormasyon sa mga mag-aaral at sa buong komunidad. Malinaw na ginamit ang banta ng legal na pananagutan, maging sa administrasyon man ng UP o sa ligal na aspeto, upang tapakan ang karapatan ng mga publikasyon. Ang mga naunang ulat hinggil sa kaso ng dating College of Arts and Letters Representative to the University Student Council na si Jobert Pillas ay nakabatay sa mga impormasyong maipapaabot sa publiko sa panahon ng kanilang paglalathala, at isinagawa sa prinsipyo ng mabuting hangarin.
Hindi dapat basta-bastang pinapalampas ang anumang porma ng pagpapatahimik, pag-iintimida, o pananakot sa midya. Hindi rin dapat pinahihintulutan ang anumang porma ng interbensiyon mula sa Office of Student Projects and Activities (OSPA), Diliman Legal Office (DLO), o ng kampo ni Pillas na tumataliwas sa kalayaan ng mga publikasyon sa UP Diliman, tulad na lamang ng SINAG at Kalasag, na mag-ulat. Ang pagpapasya sa nilalaman ng anumang ulat at ang karampatang paglilinaw rito ay tanging sa pamunuan at kasapi lamang ng mga publikasyon dapat nakasalalay; malaya sa dikta, banta, o panghihimasok ng administrasyon o alinmang panig.
Sa harap ng mga banta sa awtonomiya ng ating mga publikasyon, buong-tatag na naninindigan ang mga konseho ng UP Diliman para sa pagtataguyod ng batayang karapatan sa malayang pamamahayag.