28/08/2026
Itinuturing na non-model species ang mga alimango (mud crabs). Nangangahulugan itong limitado lamang ang mga genomic resource na magagamit ng mga siyentipiko para pag-aralan ang mga ito kumpara sa mga organismong masusing napag-aralan na. Upang suriin ang mga gill at hepatopancreas ng mga alimango—isang organ na sangkot sa pagtunaw ng pagkain at pag-iimbak ng sustansya—gumamit ng high-throughput sequencing si Gardel Xyza Silvederio mula sa National Institute of Molecular Biology and Biotechnology UP Diliman at UP Marine Science Institute ng University of the Philippines–Diliman College of Science, kasama sina Dr. Ma. Anita Bautista ng NIMBB, at Angela Camille Aguila-Toral at Dr. Rachel June Ravago-Gotanco ng MSI.
Kayang iproseso ng bioinformatics pipeline na ito ang napakaraming impormasyong henetiko nang sabay-sabay. Dahil dito, natutukoy at napag-aaralan ng mga siyentipiko ang mga gene ng alimango nang hindi na umaasa sa isang kumpletong reference genome. Gumamit sila ng limang magkakaibang assembly tool upang pagsamahin ang impormasyong henetiko: Trinity, SOAPdenovo-Trans, IDBA-Trans, rnaSPAdes, at EvidentialGene. Sa mga ito, ang Trinity ang nagpakita ng pinakamahusay na resulta para sa datos ng parehong gill at hepatopancreas. Natuklasan din nila na ang paggamit ng iba't ibang metric ay nakatutulong sa pagtatasa ng kalidad ng transcriptome. Ang mga nabuong transcriptome ay makatutulong sa mga siyentipiko para sa mga darating pang pananaliksik sa genomics at gene expression analysis sa mga alimango. Nagbibigay din ang pag-aaral na ito ng isang maaasahang pamamaraan para sa pag-aaral ng mga gene ng iba pang non-model species.
Ang pag-aaral na ito ay pinondohan ng Department of Science and Technology–Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development (DOST PCAARRD).
Link sa pag-aaral: https://philjournalsci.dost.gov.ph/evaluation-of-de-novo-assembled-transcriptomes-from-a-non-model-organism-scylla-serrata/
Ang Science Flash ng College of Science ay ginawa para ibahagi, sa mas simple at mabilis na paraan, ang mga bagong pag-aaral ng ating mga siyentipiko. Kung may gustong panayam o may tanong para sa media, mag-email lang sa media(at)science.upd.edu.ph.
Isninalin ni: Mary Ann Corrales