12/06/2026
Opisyal na Pahayag ng UP Economics Towards Consciousness hinggil sa Araw ng Kalayaan, Hunyo 12, 2026
Kailan ma’y hindi natapos ang pakikipagsuong ng mga Pilipino laban sa mga mapanupil at mapanakop. Sapagkat ang tunay na malayang Pilipinas ay isang bayang hindi nagugutom at pinagnanakawan.
Sa araw na ito, ginugunita ang ika-128 na taong Deklarasyon ng Kalayaan ng Pilipinas sa pamumuno Emilio Aguinaldo laban sa pananakop ng mga Kastila. Subalit kung ating mapanuring babalikan, kasabay ng paglaya sa Espanya noong Hunyo 12, 1898 ay ang pagdeklara rin sa Pilipinas bilang protectorate ng United States. Inabot pa nang halos limang dekada bago tuluyang makilala ang hiwalay na kasarinlan ng Pilipinas. Sa ilalim ng pananakop, maraming Pilipino ang pinilit magbayad ng mabibigat na buwis at sapilitang paggawa, habang ang ekomoniya ay kontrolado ng mga dayuhan na nagdulot ng kahirapan at kawalan ng sariling kaunlaran.
Ang usapin ng kalayaan ay hindi pawang diskusyong umiikot sa mga petsa’t kaganapang nakasulat sa kasaysayan, bagkus ito ay nagpapaalala na ang pagtalo sa isang mapanupil at mapanakop na puwersa ay hindi nangangahulugang kalaayaan mula sa iba pang uri ng paniniil. Bagaman naiwan sa kasaysayan ang pagmamalupit ng mga banyagang mananakop, hinaharap naman ng Pilipinas sa kasalukuyan ang panibagong uri ng panggigipit na kapuwa naglulubog sa walang kapangyarihan at nagpapalawak ng agwat sa pagitan ng may kaya’t nasa laylayan. Ang Pilipinas ay nakapailalim sa mapanakop at mapansamantalang sistema ng kurapsyon at kahirapan.
Ang una sa maraming patunay nito ay ang paniniil laban sa mga pamilyang Pilipino sa pamamamagitan ng kakulangan ng mga oportunidad sa trabaho at paliit nang paliit na disposable income at purchasing power ng bawat tahanan. Nananatili pa ring mataas ang unemployment rate sa bansa, kumpara sa nagdaang taon, na sinasabayan pa ng tumataas na presyo ng bilihin (inflation) at bumababang halaga ng piso. Kaugnay din dito ang samu’t sari at hindi makatarungang buwis na ipinapataw sa mga mamamayan. Mula rito’y malinaw na ginigipit ng nawawalang pag-unlad ang bawat Pilipinong pamilya, lalo’t higit ang mga nasa low- at middle-income na mga uring manggagawa, na nagiging sanhi naman ng mas lumalawak na hindi pagkakapantay-pantay.
Ang ikalawang maliwanag na katibayan sa kasalukuyang mapansamantalang sistema ay ang paniniil laban sa lokal na ekonomiya ng bansa na nakaugat sa pag-asa ng Pilipinas sa pag-aangkat at limitadong pakikilahok sa pandaigdigang kalakalan. Sa ulat ng Philippine Statistics Authority, lalo pang lumaki ang trade deficit ng bansa, dulot ng tumataas na halaga ng mga produktong inaangkat nito. Kaugnay din sa usaping ito ang hindi matapos-tapos na pag-aangkin sa West Philippine Sea na nagpapahirap sa maraming mangingisda. Mapapagtanto na ang mabagal na pagpapasagana sa lokal na ekonomiya ng bansa ay pumipigil sa pagtatakda ng mas mababang presyo ng bilihin at sa pakikilahok ng bansa sa malawigang pandaigdigang produksyon.
Ang ikatlong mahalagang patunay pa sa paniniil ng sistema ay ang pagkakait sa pangkalahatang karapatan ng mga Pilipino sa pananagutan at hustisya. Ito ay masasalamin sa lumalalang hidwaan sa pagitan ng kasalukuyang presidente at bise-presidente, kasabay ng nakakabulabog at nakakawalang galang na mga kaganapan sa senado nitong mga nakaraang linggo. Ang lantarang pag-aagawan sa mga posisyon, pagpapatahimik sa oposisyon, at pagsusulong ng kaniya-kaniyang interes ay sintomas ng mapanupil na sistemang nagbabalewala ng karapatan ng mga Pilipino sa katotohanan.
Mahalagang kinikilala ng bawat Pilipino ang Araw ng Kalayaan hindi lamang bilang tanda ng matagumpay na pagkawala sa mga tanikala ng Kastila, bagkus ay araw din ng pagharap sa panibagong mapanupil na puwersa. Ito rin nawa’y maging araw ng kolektibong paglaban sa pagkakahati ng lipunan dulot ng hindi pagkakapantay-pantay at hidwaang pulitikal. Sa pagkilala na tayo ay nakapailalim sa mapanakop na sistema ng kurapsyon at kahirapan, mapagtatanto rin natin na katulad ng mga propagandista’t mga pinuno ng mga kilusan sa ating kasaysayan na nagpalaya sa atin mula sa mga mananakop, mayroon din tayong kasalukyang kakayahang magpasimuno ng parehong mga kampanya na magpapalaya sa atin sa namamayagpag na sistema. Kaugnay nito ay ang tungkuling protektahan ang ating mga sarili at iba laban sa anumang uri ng red-tagging at misinformation.
Bilang pagbabaliktanaw sa makasaysayang tanda ng pagpapalaya, naninindigan ang UP Economics Towards Consciousness laban sa anumang anyo ng paniniil at, higit sa lahat, sa porma ng kurapsyong nagdudulot ng kahirapan at nagpapasakit sa lokal na ekonomiya’t maliliit na tahanan. Mariin kaming nananawagan para sa mas malalim na pagpapakahulugan sa kalayaan at sa mas mapanuring pagbabantay sa kalagayan ng bayan. Upang matagumpay na maisulong ang diwa ng pagkakaisa sa Araw ng Kasarinlan, inaanyayahan ng UP ETC ang bawat mamamayan na ibalik ang katapatan at karangalan sa sarili at sa bansa sa pamamagitan ng pagsusulong ng sistemang hindi basta makabayan, bagkus maka-Pilipino.
Ang tunay na malayang Pilipinas ay isang bayang hindi nagugutom at pinagnanakawan. Ang tunay na kalayaan ay ang pagkakaroon ng sistemang sa mga manlulupig, hindi nagpapasiil.
-128naDeklarasyonngKalayaan
References:
[1] Flores, N. F. (2015). Araw ng Kalayaan o Kataksilan? Rappler. https://www.rappler.com/voices/imho/96194-araw-ng-kalayaan-kataksilan/.
[2] Philippine Statistics Authority. (2026). Unemployment Rate Eased to 5.0 Percent in March 2026. https://psa.gov.ph/statistics/labor-force-survey/node/1684083411.
[3] Philippine Statistics Authority. (2026). Summary Inflation Report Consumer Price Index (2018=100) National Capital Region: April 2026. https://rssoncr.psa.gov.ph/statistics/cpi.
[4] Philippine Statistics Authority. (2026). International Merchandise Trade Statistics of the Philippines, April 2026 (Preliminary). https://psa.gov.ph/statistics/export-import/monthly.