21/09/2026
NAGKAKAISANG PAHAYAG NG KONSEHO NG MAG-AARAL AT MGA ORGANISASYON NG PUP SANTA ROSA
PUP SANTA ROSA COMMUNITY NEVER FORGETS!
Limampu’t apat na taon mula nang ipataw ang Batas Militar ng diktadurang Marcos Sr. at apat na dekada matapos patalsikin ang tiraniya, nananatiling buhay ang hamon ng kasaysayan sa sambayanan: kapag hinayaang maipon ang kapangyarihan sa iilan, kagyat na sinusipil ang mamamayan at nagiging lantarang batayan ng pamamahala ang pang-aabuso.
Hindi natatapos sa mga pahina ng aklat ang bangungot ng pasismo dahil patuloy itong sumusugat sa ating pang-araw-araw na kalagayan. Sa halip na dinggin ang mga lehitimong hinaing ng kabataan, pinararami ng estado ang mga kaso ng red-tagging, paniniktik, at pananakot.
Tila itinuturing na isang krimen ang pagiging mulat, ngunit malinaw ang ating tindig: hindi terorista ang kabataang nag-iisip, hindi kriminal ang kabataang nagtatanong, at hinding-hindi kaaway ng bayan ang lumalaban para sa kaniyang karapatan.
Hindi hiwalay ang panunupil na ito sa umiiral na komersyalisasyon ng edukasyon.
Sa halip na palalimin ang mapagpalayang pag-iisip, sinasadyang ikahon ang kurikulum upang lumikha lamang ng murang lakas-paggawa para sa dayuhang merkado. Kasabay nito, patuloy na binabarat at pinagkakaitan ng pondo ang pampublikong pamantasan. Sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP), nakatakda lamang tumanggap ang PUP ng ₱3.501 bilyon sa new appropriations—mas mababa ng humigit-kumulang ₱291.8 milyon o 7.7% kumpara sa ₱3.793 bilyong inilaan noong nakaraang taon.
Higit na lumilitaw ang kapabayaan ng gobyerno kapag itinabi ito sa sariling panukala ng pamantasan na ₱15.574 bilyon. Ang napakalaking agwat na ₱12.1 bilyon ay patunay ng tahasang pagsakal sa pondo ng mga Iskolar ng Bayan.
Paano natin matutugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan, kagamitan sa laboratoryo, regularisasyon ng mga kaguruan, at sapat na serbisyo sa mga sangay tulad ng ating pamantasan kung mismong estado ang pumuputol sa ating mga batayang pangangailangan?
Ang krisis sa loob ng pamantasan ay salamin lamang ng mas malawak na kabulukan sa buong bansa. Habang bilyon-bilyon ang nilulustay sa korapsyon at sa mga palpak na flood control project na nag-iiwan sa atin sa gitna ng baha, trapiko, at peligro tuwing may bagyo, ang taumbayan na naman ang pinapalunok at pinatitiis sa isang sistemang matagal nang inutil.
Kasabay nito, mariin din nating tinututulan ang pambubusabos sa ating pambansang soberanya at likas na yaman sa pamamagitan ng Pax Silica at iba pang patakarang nagpapasubasta sa kapakanan ng Pilipinas para sa kapakinabangan ng dayuhang kapital. Sa halip na suportahan ang sariling agrikultura, ipamahagi ang lupa sa mga magsasaka, at paunlarin ang lokal na industriya, inuuna ng estado ang interes ng mga dayuhan habang ang ordinaryong mamamayan ang nagpapasan ng gutom at kahirapan.
Lalong hindi palalampasin ng kabataan ang garapalang pag-iwas sa pananagutan ng mga nasa kapangyarihan. Sa gitna ng mga kinakaharap na impeachment proceedings at tahasang paglustay sa kaban ng bayan, hindi kailanman dapat maging panangga ang mataas na posisyon. Ang panawagan ng masang estudyante at mamamayan ay tiyak at hindi matitinag: panagutin lahat ng sangkot, lalo na si Marcos Jr. at ang mga Duterte. Hindi maaaring manatiling protektado ang mga nasa poder habang ang taumbayan ang pinagbabayad sa kanilang mga kapabayaan at katiwalian.
Kaisa ng buong kabataan ng PUP Santa Rosa at ng malawak na hanay ng mamamayang Pilipino, mariin naming iginigiit ang agarang pagbabalik at pagpupuno sa bilyong kinaltas sa badyet ng pamantasan para sa taong 2027 upang ilaan sa tunay, libre, at dekalidad na edukasyon.
Ipinapanawagan din natin ang kagyat na pagpapatigil sa lahat ng anyo ng red-tagging at panunupil sa kalayaang akademiko, ang paglutas sa ugat ng krisis sa imprastraktura sa halip na mga band-aid solution, ang pagtatanggol sa soberanya at likas na yaman ng bansa, at ang ganap na pananagutan ng mga tiwaling opisyal sa pamahalaan.
Pagod na ang taumbayan sa paulit-ulit na pahirap, ngunit ang pagod na ito ay hindi magiging dahilan upang tayo ay umatras o manahimik.
Sa halip, ito ang nagsisilbing mitsa upang higit tayong mag-organisa, magsalita, at kumilos para sa isang lipunang tunay na makatao at malaya.
KABATAAN NG PUP SANTA ROSA, DUMALUYONG PARA SA EDUKASYON AT PANANAGUTAN!
NEVER AGAIN, NEVER FORGET!