26/10/2026
𝗣𝗼𝗿𝗺𝗮𝗹 𝗻𝗮𝗻𝗴 𝗦𝗶𝗻𝗶𝗺𝘂𝗹𝗮𝗻 𝗮𝗻𝗴 𝗖𝗢𝗠𝗠 𝗪𝗲𝗲𝗸 𝟮𝟬𝟮𝟲 𝘀𝗮 𝗔𝗘𝗖 𝗤𝘂𝗮𝗱𝗿𝗮𝗻𝗴𝗹𝗲 𝗡𝗴𝗮𝘆𝗼𝗻𝗴 𝗔𝗿𝗮𝘄
𝗖𝗢𝗠𝗠𝘂𝗻𝗶𝘁𝘆 𝗡𝗲𝘄𝘀 | 𝗢𝗸𝘁𝘂𝗯𝗿𝗲 𝟮𝟲, 𝟮𝟬𝟮𝟲
Sinimulan ang selebrasyon sa pamamagitan ng isang banal na misa na pinangunahan ni Rev. Fr. Ferdinand I. Maaño sa AEC Quadrangle alas-8 ng umaga. Sinundan ito ng opening remarks ni Dr. Claudia Odette J. Ayala, na nagbigay ng mensahe para sa pagsisimula ng isang linggong selebrasyon. Ayon sa kaniya, nawa ay magamit ng mga COMM students ang kanilang mga natutunan sa kanilang mga kurso at sa mga teorya ng komunikasyon upang maisagawa nang maayos ang mga nakahandang programa. Sinundan ito ng ribbon-cutting ceremony kasama ang mga communication educators ng College of Arts and Sciences.
Tampok sa COMM Street Booths ang iba’t ibang pakulo na inihanda ng mga COMM students kabilang ang karaoke, photobooth, wedding booth, at marami pang iba. Dumagsa ang mga estudyante mula sa iba’t ibang departamento na nagbigay-buhay sa AEC Quadrangle sa unang araw ng COMM Week 2026.
Bukod sa mga booth, inaabangan din ang mga susunod na aktibidad ng COMM Week 2026 na gaganapin sa AEC Little Theatre. Kabilang dito ang libreng film screening ng mga short film mula sa iba’t ibang panig ng bansa sa Oktubre 27, sa pangunguna ng Envergan Film Guild.
Gaganapin naman sa Oktubre 28 ang Science and Health Seminar na tatalakay sa pangangalaga sa ating mata kabalikat ang EO Executive Optical SM City Lucena.
Samantala, tampok sa Oktubre 29 ang mga lokal na kuwento ng mga Quezonian sa pamamagitan ng mga pelikulang ihaharap ng MSEUF Lente.